Tuesday, January 12, 2016

Apo Unayen!

Di ko maiwasang tumingin sa Facebook upang pumuna at maaliw sa mga pagbabahagi ng mga kaibigan nila. 
Isang ultrasound print out ang nilitratuhan ng cell phone at ka agad iniupload, kasama ang caption: "It's  a girl, thank you Lord for the gift of life!"
"Congrats!"
"Another girl?"
May mahigit isang daang likes at dalawang dosenang comments. 
Pagkaraan ng pitong buwan at kalahati, nagbabahagi ulit itong kaibigan nila ng isang selfie, maga  pa ang ilong at  nanlalagkit ang kutis ng mukha parang ilang araw nang  di naliligo. Kasama sa selfie ang isang sanggol, mukhang bagong silang, pulang pula ang kutis at nakapikit ang mga mata.
May kasama ulit na caption: "Thank you all for your prayers!"
"Ang cute cute naman ng baby!"
May mga limampung likes.
Isang comment ang tumanggap ng ilang sagot at ilang likes:
"Bagik to diay labang no sumaruno."

Napapangiwi ka rin ba?
Cheesy?
Corny?
Baduy?
Etching! 
Epal?

Epal? Medyo mabigat INMHO ang kahulugan ng bulalas kantó na 'to. Papel, mapapel as in toilet paper. Minsan na naiugnay ko ang bulalas kantó na ito kay Madampe. Panay panay din ang upload ni Madampe sa kanyang pasyal sa mga restaurant ng  ng Toronto.
Natawa ako sa comment ni Lunch:"Kaya pala di ka pumapayat eh!" 
Simula noong dinurahan ni Madampe ang daang aking nilakaran bilang foreign bride, matagal bago ko siya naging friend  sa Facebook.

'Ika pa sa litratong ishinare ni Ka Rosario, 
ang maruming labahin ay di dapat sa Facebook!

Apo unayen! 
Ejaculation ito sa Ilocano!


Sunday, January 10, 2016

Anak ng Pusa!

Parang kulang sa pansin itong si Mikey. Ayan, hindi nakuntento  sa mga haplos ko. Gusto niya ang buong pansin ko at sa aklat na binabasa ko siya nagpasiyang  lumugmok. 
Sige lang Mikey, hindi ko naman type and kuwento. As usual, ang manunulat ay isang Pilipino sa America na di marunong  magsulat sa sariling wika."Higit  pa sa amoy ng mabahong isda", 'ika pa ni Florante. As usual, ang kuwento ay tungkol sa mga burgis sa Inang Bayan. Pati ba naman dito sa America, kaburgisan pa rin  ang nasa isipan. Inilalarawan sa kuwento  ang mga kapwa pasahero ng pangunahing tauhan sa  eroplano: isang "Texas-big American" kasama ang "Filipina" at mga maids na nagtsitsismisan. Gusto kong ibasura ang aklat. Nakikipagtalo ako at pilit kong winawasto ang sinumang magtanong sa akin if I am a "Filipina". 
"No, I am a Filipino!"
Inggit lang ba ako at nakatanggap ng gantimpala mula sa Man Asian Literary Prize ang may akda na si Miguel Syjuco? Hindi buong kuwento ay nakatuon sa mga maids na nagtsitsismisan sa eroplano pero makatutuhanan ba ang scenario? 
"The women's bluster and brusqueness are crystallized by years of servitude, unconvincing confidence, irreconcilable distance from things to which they once clung closely."
Wala pa akong nakikilalang Pilipino na namamasukan bilang katulong sa America. Bagama't madalas akong nakakakilala ng mga Pilipinong ipinagmamalaki ang pagkakaroon ng dala-dalawang "katulong" sa kani-kanilang mga tahanan noong sila'y musmos pa  sa Inang Bayan. 
Kahit ang mga "katulong" ay tinatawag nang kasambahay, walang nabago sa kamulatan ng mga Pilipino sa pagturing sa kanilang kapwa. Walang  kwenta ang pagpapalit ng tawag sa mga babaeng namamasukan bilang kasambahay. Sa mga napapaka burgis, mga maids pa rin ang tingin sa kanila. 
Hindi lahat na mga tahanan na may isa o dalawang kasambahay eh burgis. Pati nga kawani ng pamahalaan, pilit na kumukuha ng kasambahay para lang masabi sa kanilang mga kumare na kaya rin nilang magbayad ng swell do ng kasambahay. Pakiwari ko ginagamit lang itong  mga kasambahay para maramdaman nila pano mabuhay parang isang burgis. 

Binili ko aklat noong 2014 at ngayon ko lang inuumpisang basahin. Iyan ang resibo. Wala mga namang halaga. 




Friday, January 08, 2016

Cooking inang bayan


"Don't baboy the pig!" 
Hindi ko alam kung si Nett del Rosario ang may akda sa pagpapahayag or bulalas. Sa kanya ko una itong narinig. Sa tuwing nakakakita ako ng baboy, ang bulalas ni Nett ang naaalala ko. 
Pinaka mura ang baboy. 
"Ang baboy mo naman!" 
Pinakamura rin sa lahat ng mga ulam ang  baboy lalo na kung ito'y buto-buto, buntot, sila, atay, tenga, nguso at iba pa. 
Pinakuluan ko ang nguso at tenga sa suka, toyo, tuong ot toi at leche de coco.   Ang nguso at tengang inadobo sa leche de coco ang magiging sangkap sa aking pinakbet sa mga susunod na araw.


Thursday, January 07, 2016

Ang Hamon ni Uding

Bakit hindi mo subukang mag agiw-tala sa wikang Pilipino tulad ko? Nakaaliw, nakakalibang! Sabi ko,  wikang Pilipino, ibig sabihin hindi lang wika ng mga katagalugan ang gamit ko, wika rin ng mga kabisayahan, mga kapampangan at mga pangasinense. 
Nang dahil sa hamon ni Uding...
"Ang mga dating normal sa America, hindi na marunong managalog!" 
Heto si Uding na ngayo'y guro ng Ingles sa China ang minsa'y nangantiyaw sa pagpupumilit kong pagpapahayag ng  aking estado sa mukhaaklat gamit ng wika ng mga katagalugan, mali-mali nga naman. Wala ang sasakyang pangwawasto  at hindi kilala ng aking telepono ang mga salitang ginagamit ko kaya yon naghalong balat at tinalupan ang aking pagpapahayag. Mukhaaklat at sasakyang pangwawasto? Wala sa Google yan! 
Masarap mag-agiw tala sa wika ng mga katagalugan. Dito ko lang naipapadama sa aking sarili na ang wika ng mga katagalugan ay isang de kalidad na wika at hindi lang gamit ng mga nakatira sa squatter or mga namamalagi sa kanto. Malungkot isipin na ang mga manunulat sa tabloids lang ang nagsusulat sa wika ng mga katagalugan. Bakit  nga ba na si Nick Joaquín, ang bantog  at pambansang manunulat na ipinanganak  sa Kamaynilaan ay sa wikang dayuhan lang nagsulat? 
Bago pa lang ako nagsimulang mag-agiw tala gamit ng wikang katagalugan. Sa tuwing nakakarinig ako ng Kano na nagpupumilit makipag-usap sa wika  ng mga katagalugan sa akin, gusto ko siyang batukan. Nakaka insulto! Ang alam lang nilang "tag-a-log" ay mga mababang uri wika ng mga katagalugan. 
"Buwisit!"
 

Friday, January 01, 2016

Isang Dating Normal sa Bagong Taon


Ang totoo, minsan kinamumuhian ko ang aking selfie. Ako'y napapangiwi sa aking kaanyuhan. Hindi lang Faded Glory ang naaalala ko, kundi distressed jeans pa, punit at butas. Asan na ang minsang himaya  ng Diyos sa kaitaas-taasan? Sa tuwing tinitignan ko ang mga selfie ko, si Tita Tits ang nakikita ko. Hindi si Tita Tits na naggigitara sa kanyang kabataan, nag plu-plucking. Kundi ang Tita Tits sa kanyang kupas na kabataan. Minsan  maasim pa ako sa  sukang Iloko at minsan naman mapakla  pa sa hilaw na kamatsili. Minsan naman si Aling Boobs ang sumasagi sa aking isipan: laging nanunuya at nakaismid.
Hindi ko magawang magmukhang normal sa aking mga selfie. Kung sabagay, normal ang selfie sa mga batan-on. Sa mga minsang himaya ng Diyos at ngayo'y hindi lang Faded Glory kundi Abercrombie distressed jeans pa, ibang bagay na ang pagseselfie: kalunos-lunos as in pathetic. Ika pa ni Noa Pineda na minsan ay naging guro ko sa Asian Social institute, FGLG! Feeling guapa, looking gaga daw!
Nitong nagdaang taon, ang glorious holy shih Tzu ang naging selfie ko. Nasa sabbatical ang banal na sakong Buddha na katha sa Cordillera kaya ako muna ang lulugar sa kanya gaano man kalunos-lunos.
Ika pa ng mga Bisaya...mag-ugot ka na lang!