Never judge a book by its cover. Madalas sabihin ng tatay ko noon. Ang tatay ko, namumulot din ng mga patapon na libro noon. Kung di pa niya itinabi ang mga aklat na iniwan ng aking pinsan na bumalik sa Seattle matapos mag-aral ng ilang taon sa Diliman, di ko mababasa ang Brothers Karamazov ni Fyodor Dostoyevsky noong ako’y labing-apat na taon at nasa high school. Di ko makalimutan ang mga pangalan na Dmitri at Alyosha, kaya tuloy noong nagkaroon ako ng katrabaho na lumaki raw sa Russia at pangalan ay Mitra, tinanong ko kung ang pangalan niya ay female counterpart ng Dmitri. Naiinis na hindi ang tanging sagot ni Mitra.
Buti na lang hindi nabubulok ang mga aklat na patapon. Matapos kong iwanan ang aklat sa isang sulok ng ilang taon, pinagtiyagahan ko itong basahin, curious pa rin ako bakit pinamagatang Saving Fish from Drowning ang pamagat ng aklat. Baduy at mababaw ang paliwanag ng may akda: Ang mga Buddhist daw kasi, bawal ang pumatay, kahit lamok. Naayon daw sa mga paniniwala ng mga Buddhist ang pangingisda dahil hinuhuli lang nila ang mga isda para di malunod.
Pinilit kong tapusing basahin ang aklat dahil interesado ako sa mga lugar na inilarawan. Mga liblib na lugar sa border ng China at Myanmar, ang dating Burma. Tumutugma din ang ilang mga impormasyon na ginamit sa mga pangkaraniwang kaalaman tungkol sa Myanmar. Di ko lang maitugma ang ilan sa mga simbolismo na ginamit ng may akda. Katulad ng nakatayong bangkero sa gilid ng kanyang bangka hawak ng kanyang sagwan habang nangingisda.
Parang may intensiyong magpatawa ang may akda, sa prologue at pamagat pa lang. Ang tagapagsalaysay ay multo o kaluluwa ng pinaslang na Bay Area art dealer at college instructor, si Bibi Chen. Ginamit ng may akda ang mga notes ng isang psychic na naging medium. Kung laking bundok at taga liblib ang nagbabasa, tila makatutuhanan at kapanipaniwala ang kwento. Maraming pamahiin at mga paniniwala ng mga Intsik ang ginamit. Parang exaggerated ang ilan, ang iba naman corny.
No comments:
Post a Comment